Isang petisyon ang inihain sa Korte Suprema ng grupong Philconsa kasama si dating Budget Sec. Benjamin Diokno upang mapigilan ang pagpapalabas sa mahigit 424- billion pesos na lumpsum sa 2015 national budget.
Nakapaloob umano ang lumpsum allocations sa budget ng siyam na departmento at dalawang ahensiya ng gobyerno.
Nangunguna dito ang DSWD na may 102-billion pesos na lump sum allocation, pangalawa ang DepEd na may 80-billion pesos, pangatlo ang DOH na may 75-billion at sinusundan ng DPWH na may 47-billion at Department of National Defense na may 36-billion pesos.
May lumpsum din sa budget ng Department of Agriculture, DILG, National Irrigation Administration, DOTC, PNP AT DENR.
Sa kaso ng DSWD, sa mahigit 108-billion pesos na budget ng departamento, 102-billion pesos dito ang lumpsum at 6-billion pesos lamang ang detalyado kung ano ang pagkakagastusan.
Hinimok ng petitioner ang Supreme Court na mag isyu ng TRO upang pigilan ang pagpapalabas sa nalalabing pondo ng mga lump sum allocations.
Nais din nila na ma-cite for contempt si Budget Sec. Butch Abad at buong kongreso dahil sa hindi pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema tungkol sa pagdedeklara ng savings.
Dati na ring ipinagbawal ng Supreme Court ang lump sum allocations at realignment ng budget batay sa inilabas na desisyon sa kaso ng Pork Barrel System at ng DAP o ang Disbursement Acceleration Program.
Ayon sa mga petitioner, hindi malayong ma-realign ang mga lumpsum na nakapaloob sa budget ngayon taon at magamit ito sa halalan.
Maaari din umanong makasuhan si Pangulong Aquino dahil dito pagbaba nito sa pwesto sa susunod na taon.
Ayon naman kay Secretary Abad, ipinapatupad lamang nila ang budget na ipinasa ng Kongreso.
Ito na ang ikatlong petisyon sa Korte Suprema na kumukwestyon sa pambansang budget ngayong taon.
Una nang naghain ng petisyon ang mga grupo nina Greco Belgica at Professor Leonor Briones. ( Roderic Mendoza / UNTV News )
Tags: Budget Sec. Butch Abad, dating Budget Sec. Benjamin Diokno