Pagrepaso sa proseso ng pamimigay ng mga alien at special working permit, pinag-aaralan na DOLE

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 8244

Matapos ang sunod-sunod na balita tungkol sa pagdami ng mga Chinese nationals na nagtratrabaho dito sa Pilipinas, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na rerepasuhin nila ang proseso ng pamimigay ng alien at special working permit sa mga dayuhan. Sa ganitong paraan, mas mamo-monitor ang pagdami ng mga foreign workers sa Pilipinas.

Bilang ayuda sa DOLE, mas pinalawak ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang operasyon nito laban sa illegal aliens.

Ayon sa BI, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Justice (DOJ), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Kasama din ang Clark Development Council, Subic Bay Metropolitan Authority, Philippine Economic Zone Authority at Cagayan Economic Zone Authority, para sa mga kinakailangang detalye sa pagrepaso sa proseso.

Sa tala ng DOLE, mula 2015 hanggang 2017 mahigit 115,500 ang nabigyan ng Alien Employment Permit (AEP) at maaaring makapagtrabaho ng mahigit sa anim na buwan sa bansa.

Pero sa report na natatanggap ng ahensya, higit pa sa numerong ito ang nakakapag-trabaho ngayon. Malaking porsyento dito ay nasa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Dagdag pa diyan ang mga nagtatrabaho sa Build, Build, Build projects ng Duterte administration, kung saan three-fourths ng mga kontrata ay nakuha ng mga kumpanyang Chinese.

Ayon sa DOLE, ang work permit ay ibinibigay lamang sa ilang dayuhang manggagawa para sa mga klase ng trabahong hindi kayang gampanan ng mga Pilipino.

Ayon naman sa tagapagsalita ng BI, nasa 75,000 ang nabigyan nila ng special working permit o yung mga foreign workers na maaaring makapag-trabaho ng hanggang anim na buwan lang, pinakamarami dito ay mga Chinese nationals na aabot sa 56,170.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,