Pagrebisa sa anti-hazing law, isinusulong ng VACC

by Radyo La Verdad | September 21, 2017 (Thursday) | 2672

Marvin Reglos at Mark Anthony Marcos noong 2012 at Guillo Servando naman noong 2014, ilan lamang sila sa mga kabataang nasawi dahil sa hazing. Pinakahuli sa kanila ang UST law student na si Horacio Castillo III.

Dahil sa mga kaso ng hazing related deaths, isinusulong ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption na maamyendahan ang anti-hazing law ng bansa na naipasa mahigit 20 taon na ang nakalipas. Ayon sa VACC, wala silang balak na isulong ang pag ban sa mga fraternities o sorrorities dahil baka maging underground organizations lamang mga ito.

Samantala, isang resolusyon naman ang inihain ni Senator Migz Zubiri upang paimbestigahan ang pagkasawi ni Castillo. Nais din nito na tuluyang ipagbawal ang hazing katapat ang mas mabigat na parusa sa mga lalabag dito.

Ilan senador din ang nagpahayag ng pagkondena sa nangyari kay Atio. Nagpasalamat naman ang ilang kaanak ni Atio sa suporta ng senado at umaasang mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Sa Lunes posibleng magsagawa na ng imbestigasyon ang senado kaugnay ng pagkasawi ng UST law student.

Sa pahayag ng UST faculty law Dean Nilo Divina, partially lifted ang preventive suspension sa mga sangkot na frat members para na rin maging available sila sa isasagawang imbestigasyon.

 

( Asher Cadapan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,