MANILA, Philippines – Ikinokunsidera ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na putulin ang ugnayan sa Iceland at iba pang bansang sumuporta sa resolusyon na imbestigahan ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang kampanya kontra iligal na droga ng Duterte administration.
Pero ayon sa Malacañang, kinukonsidera din ng pamahalaan ang kapakanan ng mga pilipinong nagtatrabaho sa naturang mga bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maituturing na paninira sa bansa ang ginawa ng Iceland.
“Pag ang isang bansa ay nagpapahayag ng mga posisyon na makakasira sa ating kasarinlan o sovereignty ay kailangang talagang putulin natin ang relasyon natin sa kanila kung wala silang gagawin kundi siraan tayo ng siraan sa mga kalakaran na di naman batay sa tunay na pangyayari dito sa ating bayan” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo.
Ganito rin ang pananaw ni secretary Panelo hinggil sa 17 bansang sumuporta sa Iceland resolution. Paglilinaw naman ng palasyo, kinukunsidera rin naman ng pamahalaan ang lahat ng bagay gaya ng kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa naturang mga bansa.
Nasa pangulo rin aniya ang pinal na desisyon kung kakalas din ang Pilipinas sa UNHRC gaya ng pagkalas ng bansa sa international criminal court.
Willing din naman aniya ang Duterte administration na i-entertain ang UNHRC o anomang bansa kung magsusumite ng pormal na komunikasyon o susulat ito sa pamahalaan hinggil sa anti-drug war ng Duterte administration.
Subalit hindi payag ang palasyo na bumisita sila, mag-imbestiga sa Pilipinas, makinig at maniwala sa mga kalaban ng administrasyong Duterte. Samantala hindi rin itinuturing ng Malacañang na legally binding ang Iceland resolution.
“They have to believe what this government tells them, because this government does not lie” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo.
(Rosalie Coz | Untv News)
Tags: Anti-drug war, Malacañang, Pangulong Duterte