Hindi ang mga tauhan ng CIDG ang pumutol sa CCTV nang isilbi ang search warrant sa bahay ni Mayor Reynaldo Parojinog sa Ozamiz City noong madaling araw ng Hulyo a trenta.
Ito ang naging pahayag ni CIDG Director Roel Obusan sa interview sa kanya sa programang Get it Straight with Daniel Razon kaninang umaga. Sinabi ni Obusan na hindi sakop ng search warrant ang CCTV kung kaya’t hindi nila ito pinakialaman, hindi rin nila kinuha ang file mula sa CCTV dahil pagmamayari ito ng mga Parojinog. Naniniwala si Obusan na kung naputol man ang CCTV, ito ay upang ma proteksyunan ang buhay ng mga pulis na nagsagawa ng raid.
Ayon kay Obusan, nakahanda ang mga Parojinog sa mangyayaring raid, bagamat nag-surrender na ng kanilang mga baril ang mga ito, naka recover pa rin ng mga high powered firearms sa bahay ng alkalde. Inamin din ni Obusan na mayroong granada na sumabog sa compound subalit itinanggi na sa kanila ito galing dahil walang naiisyu na granada sa kanila.
Kinumpirma ni Obusan na sinadya nilang sa madaling araw isilbi ang search warrant dahil delikado na gawin ito sa umaga lalo na at tabing kalsada ang bahay ng mga Parojinog. Hindi na nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang CIDG sa Ozamiz incident, ipinaubaya na lamang nila ito sa internal affairs service ng PNP.
Nakahanda ang CIDG na sagutin ang mga katangungan dahil nais rin daw nilang lumabas ang katotohanan. Inaasahan na ng CIDG ang patong-patong na kaso na ihahain ng mga Parojinog laban sa kanila.
Naniniwala ang CIDG na mismong mga ebidensya ang magsasalita na naging tapat sila sa pagsisilbi ng search warrant at kung nagkaroon man ng gulo, ito ay dahil sa pagtatanggol lamang nila sa kanilang sarili.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)