Pagpili sa ikatlong telco player, nasa huling yugto na – DICT

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 2930

Inilabas na ngayong araw ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pinal na memorandum circular ng terms of reference sa pagpili ng ikatlong telco player sa bansa.

Ang memo circular ay magiging epektibo labing limang araw matapos itong mailabas sa mga pahayagan. Matapos nito ay maaari ng makakuha ng bidding documents ang mga interesadong kumpanya at maisumite ito hanggang ika-5 ng Nobyembre.

Ang gagamitin pa rin sa pagpili ng ikatlong telco ay ang Highest Committed Level of Service (HCLOS) method. Bibigyan ng puntos ang bawat kumpanya na makakapag-commit ng pinakamaganda at pinakamurang serbisyo. 40% sa lawak ng coverage, 25% sa bilis ng internet at 35% naman sa financial commitment.

Ayon sa DICT, papangalanan na sa Nobyembre ang hihirangin na third telco. Bibigyan naman ang bagong telco ng 90 araw upang makabuo ng mga organisasyon sa loob ng kumpanya.

Matapos nito ay doon pa lamang sila mabibigyan ng lisensya at frequency na magagamit sa kanilang operasyon, pero hindi dito natatapos ang pagpili sa bagong telco dahil kung mabibigo ang napiling telco sa kanyang commitment ay may kapangyarihan ang DICT na ibigay ito sa iba.

Inaasahan na tututok muna ang bagong telco sa fixed line service o internet wifi sa mga bahay at opisina. Gagamitin ng bagong telco ang fiber optics ng pamahalaan na nakakalat sa buong bansa.

Nasa 14% pa lamang ng mga internet user sa bansa ang naka fixed line ayon sa DICT.

Sa ngayon, limang kumpanya na ang nagpakita ng interes na sumali sa bidding process.

Inaasahan naman na sa kalagitnaan ng taong 2019 ay operational na at magkakaroon na ng subscriber ang bagong telco sa Pilipinas.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,