Muling iginiit ng Malacañang na nananatili ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Budget Secretary Benjamin Diokno.
Tugon ito ng palasyo sa House Resolution No. 2365 na nananawagan sa punong ehekutibo na ikunsidera ang pagkakatalaga kay Diokno dahil sa mga kwestyon kaugnay ng 2019 proposed national budget.
Ayon kay Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, para sa Pangulo at sa gabinete nito, nananatiling walang bahid ang record ni Diokno sa government service.
Itinuturing din aniya siyang isa sa pinakamahusay at pinakamatalino sa mga cabinet member nito. Nananatili aniyang angkop, matuwid at tapat ang reputasyon ng budget secretary.
Dagdag pa ni Panelo, ang Kongreso ang may kapangyarihang usisain ang pondo at i-rebisa o i-amend ang budget proposal.
Kung may nakikita aniya itong iregularidad sa alokasyon ng pondo, dapat ituwid ito ng Kongreso bukod pa ay opsyon nitong magrekomenda ng reklamo laban sa mga responsable sa pagkakamaling itinuturing na krimen.
Kung papaano aniyang iginagalang ni Pangulong Duterte ang Kongreso at hindi pinapakialaman ang pagpili ng mga opisyal nito, ayon kay Panelo, dapat ganito rin ang gawin ng mga mambabatas, ang igalang ang karapatan ng punong ehekutibo na piliin ang kaniyang mga opisyal.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )