Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police na buo ang kanilang suporta sa pagkakapili kay Police Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa bilang susunod na hepe ng pambansang pulisya.
Ito’y sa kabila ng pagiging isang Junior Police Officer ni Dela Rosa, kung ikukumpara sa mga iba pang opisyal ng PNP na pinagpilian ni Presumptive President Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Wilben Mayor, nirerespeto nila kung sino man ang napili ng bagong pangulo na ilagay sa pinakamataas na posisyon ng PNP.
Isinantabi rin ng PNP ang posibilidad ng pagkakaroon ng demoralisasyon sa kanilang hanay, gayong tatlong PMA Class ang nilaktawan ni Dela Rosa.
Sa pagkakapili ni Presumptive President Duterte kay Dela Rosa na produkto ng Class 86, nalaktawan niya ang PMA Class 83, 84 at 85.
Giit pa ni Mayor, hindi na dapat gawing isyu ang pagkakatalaga kay Dela Rosa, kung saan nilagpasan nito ang iba pang Senior Police Officers.
Samantala, kinumpirma rin ni Mayor na kahapon ay nagpulong na sina PNP Chief Ricardo Marquez at Dela Rosa, ngunit hindi pamakapagbigay ng impormasyon sa napag-usapan ng dalawa.
(Jaon Nano/UNTV NEWS)
Tags: incoming PNP Chief, PC Supt. Ronald dela Rosa, PNP Spokesperson Police Chief Supt. Wilben Mayor