Itinanggi ng dalawang tauhan ng PNP-Highway Patrol Group na sinadya nilang patayin ang motoristang si John Dela Riarte matapos nila itong arestuhin dahil sa pagkakasangkot sa isang away-trapiko.
Depensa nina PO3 Jeremiah De Villa at PO2 Jonjie Manon-Og, aksidente ang pagkakapatay sa biktima at ipinagtanggol lamang nila ang kanilang sarili.
Ayon kay PO3 De Villa, naabutan nilang nagwawala si Dela Riarte at ayaw paawat habang binabantaan ang nakabanggaang driver ng kotse kaya’t inaresto nila ito upang dalhin sa Camp Crame.
Ngunit habang nasa byahe sakay ng kanilang patrol car, naagaw umano nito ang baril ni PO2 Manon-Og kaya’t napilitan siyang barilin ito upang depensahan ang kasamahang pulis.
Isinugod pa aniya nila ito sa pnp general hospital at doon na ito binawian ng buhay.
Itinanggi rin ng dalawang pulis na ninakaw nila ang 33-thousand pesos na pera ng biktima.
Kinuwestyon din ng mga tauhan ng hpg ang otoridad ng Public Attorney’s Office na magsagawa ng imbestigasyon at autopsy.
Ngunit ayon kay PAO Chief Atty. Persida Acosta, may kapangyarihan silang mag imbestiga sa ilalim ng anti-torture law.
Iginiit pa niya na hindi kailangang patayin ang biktima kahit pa sabihing patuloy itong nagwawala at nambabastos.
Samantala, isinumite naman NBI ang resulta ng kanilang imbestigasyon at autopsy sa mga labi ng biktima upang maisama ito sa records ng kaso.
Batay sa report ng NBI, may tama ng bala sa likuran ng hita ang biktima.
Nahaharap ang dalawang tauhan ng HPG sa kasong torture at murder dahil sa pananakit umano at pagpatay sa biktima at robbery naman dahil sa nawawalang pera nito
Itutuloy ang preliminary investigation sa mga reklamo sa susunod na Martes.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: hindi umano sinasadya ng 2 tauhan ng HPG, Pagpatay sa motoristang si John Dela Riarte sa Makati City