Lumabas sa autopsy ng medico-legal ng Public Attorney’s Office na sinadyang patayin ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz. May tatlong tama ito ng bala ng baril sa dibdib, isa sa tagiliran at isa sa likuran ng braso. May mga pasa rin at gasgas sa katawan ang biktima na palatandaang binugbog ito at pinosasan.
Pero ayon sa PNO, hindi ito dapat itulad sa kaso ng binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Sa bersyon ng mga pulis, nangholdap ng taxi sa c-3 road ang biktima at nanlaban sa rumespondeng mga pulis Caloocan kaya ito napatay.
Pinaiimbestigahan na ng PNP ang insidente at tinanggal sa pwesto ang OIC ng Caloocan City Police na si Chief Inspector Illustre Mendoza.
Magsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang NBI sa pagkakapatay sa biktima
Aalamin sa imbestigasyon kung may pananagutan ang mga pulis kasunod ng mga alegasyon na tinorture at walang awang pinatay ang biktima.
Ayon sa pamilya ni Carl, nawala ang biktima noong August 18. Sampung araw itong hinanap bago natunton ang bangkay nito sa isang morgue sa Caloocan City.
Handa naman ang DOJ na bigyan ng protection ang pamilya ng biktima sa ilalim ng Witness Protection Program.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Carl Angelo Arnaiz, medico-legal, PAO