Pagpasok sa bansa ng mga nanggaling sa North Gyeongsang province, South Korea, ipinagbawal muna ng Pamahalaan

by Erika Endraca | February 27, 2020 (Thursday) | 2123

Hindi na muna papayagan ng pamahalaan ang mga turistang Pilipino na pumunta sa South Korea upang hindi mahawa ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Hindi naman sakop ng travel ban ang mga Overseas Filipino Worker (OFW), estudyante na nag-aaral doon at mga permanent resident.

Pero kinakailangan nilang magsumite at pumirma ng written declaration na nau-unawaan nila ang panganib kaugnay sa COVID-19.

Samantala bawal naman pumasok sa Pilipinas ang lahat ng biyahero na mula sa North Gyeongsang, isang lalawigan sa South Korea na katabi ng Daegu City kung saan naitala ang pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Ang South Korea na ang pangalawa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong mundo sumunod sa China.

“The inter-agency task force on emerging infectious diseases has approved to impose a ban on the entry of travelers coming from the north Gyeongsang province of South Korea into Philippine territory, effective immediately.”ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Kung patuloy namang tataas ang kaso ng COVID-19 doon posibleng pagbawalan na ang lahat ng galing sa South Korea na pumasok sa Pilipinas.

“With respect to other parts of South Korea the  shall conduct a risk assessment of the situation in the aforesaid country within 48 hours to analyze whether it is necessary to expand the travel ban thereto.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Samantala bukod sa travel ban sa South Korea, pag-uusapan na rin ngayong araw ng interagency task force ang posibilidad na pagpapauwi sa mga Pilipino sa Macau.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,