Pagpasok ng mga substandard na semento at bakal sa bansa, dapat solusyunan ng DTI – Federation of Philippine Industries Inc.

by Radyo La Verdad | October 17, 2017 (Tuesday) | 3487

Nakatangaap ng mga reklamo ang Federation of Philippine Industries Inc. o FPI mula sa kanilang mga ka-miyembro na may mga substandard pa ring mga bakal at semento na nakakapasok sa bansa, ito ang mga nag-udyok sa federasyon na umapela at sumulat kay Trade Secretary Ramon Lopez noong October 4.

Batay anila sa ulat na hawak ng Cement Manufacturer Association of the Philippines o CEMAP at Philippine Iron Steel Institute, may tatlong daang libong bags ng expired na semento ang naipamahagi sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Limampu’t anim din aniyang hardware stores sa Pangasinan at La Union ang napag-alamang nagbebenta ng substandard steel at uncertified na construction at electrical products.

Ayon kay FPI Chairman Jess Arranza, nakababahala ang bagay na ito lalo na’t ginagamit ang mga ganitong materyales sa konstrusksyon at sa rehabilitasyon ng mga lugar pagkatapos ng mga nagdaang sakuna.

Hihintayin ng grupo ang sagot ng kalihim bago anila iakyat sa tanggapan ng Pangulo ang kanilang hinaing.

Tiniyak naman sa DTI mahigpit ang kanilang pagbabantay sa kalidad ng mga produkto.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,