Pagpasok ng bagong computer command sa transparency server ng COMELEC, dapat paimbestigahan sa isang independent body – IT Law Expert

by Radyo La Verdad | May 16, 2016 (Monday) | 2021

RODERIC_Quevedo
Hindi dapat balewalain ang computer command na ipinasok ng Smartmatic sa transparency server ng COMELEC sa mismong araw ng halalan nitong nakaraang Lunes.

Ayon sa I-T Law Expert at UP Law Professor na si Atty.Rogelio Quevedo, dapat iutos ng COMELEC na magkaroon ng isang forensic investigation sa insidente.

Aniya, maaari itong gawin ng Technical Evaluation Committee na nagsertipika sa Automated Election System.

Dagdag pa ng abogado, hindi dapat makuntento ang publiko sa paliwanag ng Smartmatic na cosmetic change lamang ang epekto ng bagong program.

Ayon kay Quevedo, posibleng may epekto pa rin ito sa aktwal na resulta ng halalan ngunit mas may epekto ito sa mananalong bise presidente.

Hindi umano niya sinasabi na may dayaang nangyari ngunit dapat aniyang mapanagot ang Smartmatic partikular ang opisyal nito na si Marlon Garcia dahil sa hindi otorisadong pagpasok ng bagong computer command.

Pinagpaplanuhan nina Quevedo na magsampa ng election offense laban kay Garcia.

Una nang bumuo ng committee ang COMELEC upang imbestigahan ang insidente ngunit sinabi na ni COMELEC Chair Andy Bautista na wala itong epekto sa opisyal na resulta ng halalan.

Bubuksan naman ng kongreso ang kanilang imbestigasyon sa insidente sa darating na Huwebes.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,