METRO MANILA – Naghain na rin ng petisyon ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang hilingin sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang mga petisyon na kumokontra sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Batay sa 65 pahinang komento na inihain ng DOTr at LTFRB sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, iginiit ng 2 ahensya na ang mga petisyong isinumite ng Piston at iba pang transport groups ay dapat na ma-dismiss dahil sa kakulangan ng merito.
Nauna nang naghain ng petisyon ang ilang transport group sa pangunguna ng Piston upang hilingin sa Korte Suprema na ipatigil ang PUV modernization program.
Kahapon (January 16) nagtungo rin sa Supreme Court ang iba pang transport groups gaya ng Pasang Masda, bilang suporta naman sa PUV modernization.