Limang panukalang batas ang nakahain ngayon sa Senado ukol sa Anti-Hazing Law.
Tatlo rito ay layong ipawalang bisa ang 22-year old Anti-Hazing Law of 1995 na iniakda ni dating Senador Joey Lina. Kabilang dito ang mga panukalang batas nina Senators Juan Miguel Zubiri at Win Gatchalian.
Ngunit ayon kay Lina, maaring makalaya ang mga suspect at akusado sa paglabag sa Anti-Hazing Law kung mare-repeal ang batas. Maging ang mga isinasagawang imbestigasyon hinggil dito ay mawawalan na rin ng saysay.
Sa ngayon ay nasa 300 ang mga suspect at nakasuhan na pinaghahanap ng batas dahil sa mga insidente ng hazing sa loob ng 22 taon mula nang maisabatas ito.
Maaari naman aniyang amiyendahan o palakasin na lamang ang Anti-Hazing Law gaya ng gawing mas mabigat ang kaso sa isang suspect kung nasa impluwensya ito ng alak o droga.
Kinokonsidera naman ng senado ang panukala ni Lina at sinabing posibleng maglabas na lamang sila ng mga amiyenda sa umiiral na batas.
Mas lalawakan aniya nila sa senate version ang magiging pataw sa parusang habang buhay na pagkakabilanggo. Sang-ayon naman dito ang ilan pang senador
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )