Pagpapawalang bisa ng SC sa appointment ng 2 Sandiganbayan Justice, hiniling ng IBP

by Radyo La Verdad | May 18, 2016 (Wednesday) | 1745

IBP
Naniniwala ang Integrated Bar of the Philippines o IBP na labag sa saligang-batas ang pagkakatalaga ni Pangulong Aquino sa dalawang mahistrado ng Sandiganbayan nitong nakaraang Enero.

Isang quo warranto at certiorari petition ang isinampa ng IBP upang kwestyonin ang appointment kina Associate Justice Geraldine Faith Econg at michael Frederick Musngi.

Kabilang sila sa anim na mga bagong naitalagang mahistrado para sa dalawang bagong dibisyon ng Anti-Graft Court.

Ayon sa IBP, mali at walang-bisa ang pagkakatalaga kina Econg at Musngi dahil dalawa silang na-appoint sa isang bakanteng pwesto bilang ika-dalawamput isang mahistrado ng Sandiganbayan.

Sa kabila nito, wala namang nahirang sa anim na kandidato na pasok sa shortlist para sa ika-labing anim na mahistrado ng Anti-Graft Court.

Nakasaad sa Section 9, Article 8 ng konstitusyon na dapat manggaling sa listahang isinumite ng Judicial and Bar Council ang itatalaga ng pangulo bilang huwes o mahistrado.

Hinihiling ng IBP sa Korte Suprema na magpalabas ng Temporary Restraining Order upang pansamantalang patigilin sina Econg at Musngi sa pagtupad ng tungkulin bilang mahistrado ng Sandiganbayan.

Bukod dito, hiniling din ng IBP sa mataas na hukuman na ipawalang-bisa ang pagkakatalaga sa dalawa at ideklarang bakante ang posisyon para sa ika-labing anim na mahistrado.

Nanindigan naman ang Malakanyang na walang nilabag na probisyon ng saligang-batas si Pangulong Aquino sa pagkakatalaga sa mga mahistrado.

Ayon naman sa isa sa mga miyembro ng JBC, ipinauubaya na nila sa Korte Suprema ang pagpapasya kung tama ang ginawang appointment ng pangulo.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: