Pagpapauwi kay CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison, hindi prayoridad ng GRP Peace Panel

by Radyo La Verdad | June 27, 2016 (Monday) | 957

VICTOR_BELLO
Wala pang pinal na petsa kung kailan opisyal na sisimulan ang pormal na pag uusap ng Government Peace Panel at National Democratic Front of the Philippines o NDFP.

Suhestiyon ng NDFP sa July 16 to 19 subalit nais naman ng GRP panel na sa July 23 to 25 na ito gawin.

Target ng peace panel na tapusin ang pag uusap sa loob ng 9 hanggang 12 buwan subalit nais din nilang mapabilis ang proseso.

Subalit ayon sa pinuno ng Government Peace Panel ng Duterte administration hindi nila prayoridad ang pagpapauwi sa bansa kay Communist Party of the Philippines Founding Chairman Joma Sison.

Ayon kay Bello, sesentro ang pag-uusap sa social economic reform, political reform, pagpapatigil sa digmaan at ang disposition of forces.

Sa panayam naman ng UNTV News kay Sison noong June 20, sinabi nitong pinag-aaralan pa nila ang posibleng pagbabalik sa Pilipinas.

Tinitignan pa ng kanyang mga abugado ang legal implications at consequences nito bilang recognized political refugee.

Samantala, naniniwala naman si Bello na magiging susi ng tagumpay ng peace negotiations kung magkakaroon ng permanenteng negotiating panel ang pamahalaan dahil mas matututukan ang mga isyung pinag-uusapan.

Dating chairman din ng peace panel si Bello sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos at Gloria Arroyo na nakipag usap sa NDFP, subalit natigil ang negosasyon noong 2004.

Ayon kay Bello, para sa magaganap na pag-uusap muli sa NDFP iminungkahi niyang maging miyembro ng Government Peace Panel si dating DAR Secretary Nanny Braganza at dating COMELEC Chairman Rene Sarmiento.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: ,