Pagpapatupad sa minimum health standards lalo na sa public attractions, dapat higpitan pa ng mga LGU – DOH

by Erika Endraca | December 14, 2020 (Monday) | 1572

METRO MANILA – Pinangangambahan ng Department Of Health (DOH) ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 ngayong holiday season.

Ito’y posibleng mangyari kapag ipinagsawalang bahala ng publiko ang panawagan ng DOH na sundin pa rin ang minimum health standards at pagsasagawa ng mass gathering.

Kaya naman hinihimok na ng doh ang mga lgu na bantayang maigi ang mga holiday attractions na posibleng puntahan ng publiko. Kabilang na rito ang mga mall, tiangge at night market

“The DILG knows about this and they will help us ensure strict compliance to minimum health standards. We also encourage local officials na kung may ganitong pagtitipon, maiwasan sana ang pagkukumpol kumpol ng tao and magkaroon ng alternative means of celebrations”ani DOH Spokesperson,Usec. Maria Rosario Vergeire.

Nilinaw naman ng DOH na hindi naman iba-ban ang pagbebenta ng mga torotot sa merkado nguni’t hindi nila hinihikayat ang publiko na gamitin ito sa pagpapalit ng taon.

Ito ay dahil may banta pa rin ng Covid-19 . Ayon sa DOH ang paggamit ng mga ganitong uri ay paraan para maikalat o maihawa sa iba ang Covid-19 o anomang sakit

“Sana ang DILG naman ay makatulong sa pagenforce na hindi muna magamit ang mga ganitong klaseng pagpapaingay ngayong darating na bagong taon dahil alam natin na talagang it can increase the virus that can be expelled thru the air and can be transmitted to the air dun sa nakaharap sa nagtotorotot or pumipito”ani DOH Spokesperson,Usec. Maria Rosario Vergeire.

Samantala, ayon din sa DOH dapat ay magkaroon ng advisory ang mga religous groups sa kanilang miyembro na huwag munang magsagawa ng choir practice dahil paraan din ang pagkanta sa pagkalat ng virus na posibleng dala ng isang tao

Maigi pa ring gawin ang mga aktibidad ngayong holiday season sa pamamagitan ng virtual o online.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,