METRO MANILA – Nanindigan ang Dept. Of Transportation (DOTr) na dumaan sa masusing pag-aaral ang ipinatupad na reduced physical distancing sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ang sagot ng kagawaran Alliance Of Concerned Transport Organizations (ACTO) na hindi pabor sa kanilang naging hakbang.
Ayon kay DOTr spokesperson Asst. Secretary Goddess Hope Libiran, hindi dapat mangamba ang mga ito sa kalusugan ng kanilang mga pasahero hangga’t mahigpit ang pagsunod sa iba pang health and safety protocols.
“Ang sinasabi nga ni Secretary Tugade dito, itong pag-enforce natin ng optimization ng physical distancing should not undermine the strict enforcement of health and sanitation protocols. Kasi nga dito, yung 1-meter physical distancing na yan na-cited ng WHO in the past, hindi na-consider yung other present health interventions. So, wala yung pagsusuot ng face mask at face sheld. Ini-implement rin natin yung no talking at bawal kang sumagot ng cellphone.”ani DOTr spokesperson Asst. Secretary Goddess Hope Libiran.
Sa kabila nito, plano pa rin ng ACTO na umapila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga susunod na araw.
Sinabi ni ACTO President Efren De Luna na kaysa bawasan ang sukat ng agwat ng mga pasahero, mas mainam na payagan ng pamahalaan na makabyahe ang lahat ng mga pampublikong sasakyan upang matugunan ang pagdami ng pasahero.
“Hindi naman kami masyadong sang-ayon diyan ano dahil for security pa rin ang number one sa amin; security ng mga pasahero at yung sehuridad ng aming mga driver. Ang gawin na lamang ng ltfrb, buksan nang lahat ang mga linya ng mga sasakyan.” ani ACTO President Efren De Luna.
Inaprubahan ng Interagency Task Force ang rekomendasyon na ito ng Department Of Transportation bilang tugon sa pagdami ng public commuter kasabay ng pagbabalik-operasyon ng mga industriya sa pagluwag ng mga quarantine protocols.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: ACTO, DOTr, Physical Distancing