Halos walumpung porsiyento ng mga motoristang dumaraan sa kahabaan ng EDSA ay mga pribadong sasakyan batay sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority.
Dahil dito, pinagiisipan ngayon ng mmda ang pagpapatupad ng modified-odd even scheme upang mabawasan ang volume ng mga private vehicles na isa sa mga pangunahing dahilan ng mabigat na trapiko
Kahapon, tinalakay sa pagpupulong ng Metro Manila Mayors kasama ang mmda ang planong pagpapatupad ditto.
Sa bagong sistema, kada dalawang oras ipatutupad ang odd-even ban simula sa Magallanes area hanggang EDSA North Avenue.
Hindi naman pabor ang ilang opisyal sa agarang pagpapatupad ng modified odd-even scheme dahil kailangan pa nito ng mas malalim na pag-aaral lalo na at maraming motorista ang maaapektuhan nito.
Nangangamba ang ilan na magdulot ito ng mas mabigat na trapiko sa ibang bahagi ng metro manila kapag ipinatupad ang odd-even ban sa EDSA.
Sa ngayon ay bibigyan muna ng Metro Manila Council ng isang buwan ang mmda upang maisaayos ang lahat ng ruta ng Mabuhay Lanes, gayundin din ang pagaalis sa lahat ng mga iligal na terminal ng mga sasakyan sa may bahagi ng Pasay at Cubao, Quezon City.
Kapag naisakatuparan ito ng MMDA at nakita ang magandang epekto nito sa trapiko ay posibleng payagan ng MMC ang implementasyon ng modified odd-even scheme.
Sa pagtaya ng ahensya, kapag naipatupad ang bagong scheme, bibilis ng 40 kilometers per hour ang byahe sa EDSA na sa kasalukuyan ay 19 kilometers per hour lamang
Nakatakdang ang muling pagpupulong ng Metro Manila Council at MMDA sa darating na April 4.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: EDSA, mga pribadong sasakyan, MMDA, odd-even ban