Pagpapatupad ng no weekday sale sa mga mall, iniurong sa November 1 – I-Act

by Radyo La Verdad | October 13, 2016 (Thursday) | 5857

joan_no-weekday
Sa november 1 na lang ipatutupad ang no weekday sale sa mga mall ngayong holiday season sa halip na sa October 21.

Ito ang napagkasunduan ng Inter-Agency Committee on Traffic o I-Act at ng mall operators sa Metro Manila sa isinagawang pagpupulong kanina.

Inatasan rin ng I-Act ang mall operators na magsumite ng traffic management plan sa susunod na linggo upang mapag-aralan ng traffic enforcement group ang mga gagawing hakbang sa pagsasaayos ng trapiko tuwing may mall sale.

Bukod dito, sang-ayon rin ang mga operator na i-adjust ang delivery schedule ng kanilang mga produkto upang makabawas sa volume ng mga sasakyan tuwing rush hour.

Nagpalabas na rin ng kautusan ang I-Act para sa pansamantalang pagpapatigil ng konstruksyon o paghuhukay sa ilang utility projects sa ilang kalsada.

Samantala, umabot naman sa mahigit anim na raang motorista ang sinita at pinaalalahanan ng I-Act sa unang araw ng dry-run para sa suspensyon ng window hours sa number coding scheme sa mga pribadong sasakyan.

Plano rin ng mga otoridad na magdagdag ng mga tauhan para sa istriktong pagpapatupad ng bagong traffic scheme.

Nakatakda namang ipatawag ng I-Act bukas ang local traffic law enforcers ng bawat lokal na pamahalaan para maidagdag sa puwersa ng mga nagmamando ng trapiko ngayong holiday season.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,