METRO MANILA – Dumadami ang bilang ng mga lugar sa bansa na nasa COVID-19 Alert Level 1, o may pinakamaluwag na restrictions sa gitna ng nagpapatuloy na mababang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 infections sa bansa.
Iginiit ng palasyo na kung ipatutupad ang alert level 1 sa buong bansa, kailangan ito ng masusing pag-aaral.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez, sa 119 provinces at highly urbanized and independent cities sa bansa, nasa 82 na ang nasa alert level 1.
Sa 81 naman probinsya sa bansa, 46 na ang nasa alert level 1 o 57%.
Samantala, inamyendahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang ilang panuntunan sa pagpapatupad ng alert level 1.
Kabilang na dito ang pagpapahintulot na makapag-operate at maisagawa sa 100% full capacity ang lahat ng establisyimento at activities.
Gayunman, dapat makapag-presenta ng pruweba ng full vaccination ang mga papasok sa establishments o makikilahok sa gatherings.
Sa dating guidelines, walang restrictions sa indoor at outdoor capacities sa alert level 1.
(Rosalie Coz | UNTV News)