Maraming natatanggap na aplikasyon ang Department of Trade and Industry (DTI) mula sa mga manufacturer na gustong magtaas ng presyo.
Ito ang dahilan kung bakit nag-adjust ang DTI ng presyo sa expanded suggested retail price (SRP).
Nauna nang hiniling ng isang consumer group sa kagawaran na magpatupad ng moratorium sa pagtaas ng presyo ng mga basic necessities and prime commodities upang matulungan ang mga consumer.
Ayon sa DTI, pag-aaralan nila ang naturang suhestyon.
Sang-ayon naman ang ilang consumer sa moratorium lalo na at ramdam nila ang pagtaas sa presyo ng mga bilhin.
Ayon naman sa pag-aaral na ginawa ng Laban Konsyumer group, ngayon taon ay tumaas na ng nasa 70% ang presyo ng mga produktong nakalista sa SRP ng DTI.
Marapat lamang daw na ipatupad ang moratorium para matulungan ang mga consumer.
Samantala, nag-ikot sa mga pamilihan sa Metro Manila ang DTI kasama ang Department of Agriculture (DA) upang tingnan kung nakakasunod sa SRP ng DA ang mga nagtitinda ng mga agricultural products.
Hindi gaya ng mga basic necessities at prime commodities, mabilis gumalaw ang presyo ng mga agri products lalo na kung may bago o kalamidad.
Ayon sa mga nagtitinda, wala silang magawa kundi magtaas rin ng presyo lalo na at ibinabagsak lamang sa kanila ang mga produkto.
Ayon naman sa DTI, kailangan ring i-update lagi ng DA ang kanilang SRP upang hindi malito at makatulong sa mga mamimili.
Sa pag-iikot ng DTI at DA, nakita na tumaas ng sampu hanggang tatlumpung piso ang presyo ng bawang at sibuyas.
Tumaas rin ang presyo ng isda gaya ng bangus, tilapia at galunggong ng 10 hanggang 60 piso at iba’t-ibang mga gulay na ten hanggang 20 piso.
Nangako naman ang DA at DTI na itutuloy-tuloy ang pagsasagawa ng monitoring sa presyo upang maingatan ang kapakanan ng mga consumer.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )