Pagpapatupad ng mas mahigpit na lockdown, wala na sa plano ng gobyerno – Malacanang

by Erika Endraca | September 11, 2020 (Friday) | 9051

METRO MANILA – Naniniwala ang Malacañang na naranasan na ng ekonomiya ng bansa ang pinakamatinding epekto ng coronavirus pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala nang plano ang gobyerno na muling ipatupad ang malawakang enhanced community quarantine kaya asahan na rin umano ang unti-unting pagbangon ng ekonomiya.

“Di na po natin plano na magkaroon ng malawakang lockdowns, mula sa araw na ito, ilulunsad natin ang bagong kampanya na pinangalanang ingat buhay para sa hanapbuhay.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Pero ayon sa neda, may posibilidad na pansamantalang lumala ang poverty incidence sa bansa partikular na sa urban areas sa susunod na taon depende sa magiging recovery ng ekonomiya ng bansa.

Target sana ng NEDA na mapababa ito ng 14% mula sa 16.7% noong 2018 o katumbas ng 17.7M na Pilipino kung hindi tumama ang COVID-19 pandemic.

Dahil dito, nakwestiyon ni Senator Sherwin Gatchalian kung bakit nabawasan ang proposed 2021 budget para sa DSWD.

Paliwanag ni budget Secretary Wendel Avisado, mas mataas na ang proposed DSWD budget sa 2021 na P171B kumpara sa P164B na orihinal na budget ng DSWD ngayong 2020.

Tumaas lamang aniya sa P366 B ang adjusted budget ng dswd ngayong taon dahil sa bayanihan 1 fund
para sa Social Amelioration Program (SAP).

Samantala, nanawagan din ang senador na maipagpatuloy ang unconditional cash transfer program ng ahensya. Ayon kay Avisado, maaari pa namang pag-aralan at repasuhin ang budget para sa DSWD.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,