METRO MANILA – Wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na pilot implementation ng granular lockdowns sa Metro Manila kapalit ng pinaiiral na community quarantine.
Aprubado na ng IATF ang pilot granular lockdowns sa Ncr sa September 8.
Subalit ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, kinakailangan pa ang approval ng presidente sa bagong quarantine responses.
Si Trade Secretary Ramon Lopez ang naghayag ng ilang detalye kaugnay ng panukalang granular lockdowns sa Metro Manila.
Samantalang ang ibang bahagi naman ng bansa ay mananatili sa karaniwang community quarantine classifications.
Sa ilalim ng bagong sistema, mayroong mga partikular na lugar lamang na itinuturing na COVID hotspot ang isasailalim sa lockdown habang ang ibang lugar ay mananatiling bukas.
Nagbigay ng direktiba si Pangulong Duterte sa National Task Force na pag-aralan kung magiging mas mainam ang granular lockdowns upang tugunan ang kinakaharap na sitwasyon sa COVID-19 ng bansa.
Ayon naman kay Vice President Leni Robredo, kung magpapatupad ng granular lockdowns, dapat paigtingin ang testing, tracing, isolation at pagbibigay ng ayuda sa mga maapektuhang residente.
(Rosalie Coz | UNTV News)