Pagpapatigil ng agri land conversion, hiniling ng mga magsasaka sa NIA

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 8574

CALAMBA, Laguna – Nagpasaklolo na sa National Irrigation Administration (NIA) ang mga magsasaka sa Calabarzon Region upang matigil na ang anila ay patuloy na pagconvert ng mga agriculture land upang gawing mga subdivision.

Sa isinagawang stakeholders forum ng NIA sa Calamba, Laguna, sinabi ni Bernard Villanueva, pangulo ng mga magsasaka sa Region 4A, na nangangamba sila na maubos na ang mga lupang sakahan sa Calabarzon.

Kinukwestyon din nila ang umano’y mabilis na pagproseso ng mga permit sa conversion ng mga agriculture land sa kabila ng pagpapahinto dito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong isang taon.

Ayon naman kay NIA Administrator retired General Bong Bisaya, nasa Department of Agrarian Reform (DAR) ang huling pagpapasya tungkol sa land conversion.

Gayunman, nangako naman si Bisaya na ipararating nito ang mga hinaing ng mga magsasaka sa rehiyon sa kinauukulan.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,