Pagpapatibay ng partisipasyon ng msmes sa Regional at Global Markets, prayoridad ng APEC Ministerial Meeting

by Radyo La Verdad | November 17, 2015 (Tuesday) | 1355

APEC-Ministerial-Meeting
Pinangunahan nina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at Industry Secretary Gregory Domingo ang pagbubukas ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Ministerial Meeting sa Marriott Hotel, Pasay City ngayong lunes.

Layon ng pulong na maisapinal ang mga bagong hakbang sa pagpapalago ng kalakalan, maging ang pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya sa buong Asia Pacific Region.

Bahagi nito ay una nang tinalakay sa ginanap na concluding senior officials’ meeting nitong nakaraang weekend.

Bibigyang prayoridad sa pagpapatibay ng partisipasyon ng maliliit na negosyante sa regional at global markets kasabay ang pagtalakay kung paano mapapabuti ang ugnayang pang-ekonomiya ng mga bansa sa rehiyon, ang human capital development at ang pagkakaroon ng sustainable at resilient na komunidad.

Kaugnay nito, inilunsad nitong linggo ng APEC ang APEC Tade Repository, isang website na makapagbibigay ng impormasyon ukol sa mga kasunduang pangkalakalan sa pagitan ng mga miyembro ng APEC, at malayang maa-access ang mga impormasyon ukol sa mga polisiya at regulasyon, maging ang mga buwis sa ilalim ng free trade agreements at regional trade agreements.

Umaasa ang mga lider na ang mapag-uusapan sa ministerial meeting ay magreresulta sa pagbuo ng isang “services coalition” sa dalawampu’t isang APEC Member Economies.

Ito anila ang magsisilbing “business voice drivers” ng sektor ng kalakalan sa rehiyon. (Biance Dava/UNTV News)

Tags: , ,