Pagpapataw ng panibagong dagdag-buwis sa mga produktong petrolyo simula sa 2019, tuloy na

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 8002

Tuloy na ang pagpapataw ng second tranche o second round ng dagdag-buwis sa mga produktong petrolyo simula sa 2019 sa ilalim ng Tax Reform for Accelartion and Inclusion (TRAIN) law.

Ito ay matapos na aprubahan kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang cabinet meeting ang rekomendasyon ng kanyang economic managers na ituloy ang implementasyon nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo, ilang mga bagay ang ikinonsidera ng Pangulo kung hindi matutuloy ang pagpapataw ng dalawang piso kada litrong dagdag-buwis sa mga produktong petrolyo simula sa Enero.

Kabilang na rito ang delay sa mga infrastructure project sa ilalim ng Build, Build, Build program at budget cuts sa personal services ng pamahalaan.

Ayon naman kay Budget Secretary Benjamin Diokno, isa sa kanilang argumento na inilahad sa Pangulo ay ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market.

Mula sa dating 80USD per barrel ay bumaba na aniya ito sa 68USD hanggang nitong Nobyembre at inaasahang patuloy pang bababa hanggang sa susunod na taon.

 

 

 

 

Tags: , ,