Pag-aaralan pa ng Manila International Airport Authority ang panukalang pagpapataw ng multa sa mga airline company na madalas naantala ang biyahe.
Ayon kay MIAA General Manager Jose Angel Honrado, ikinukonsidera ang pagpapataw ng multa para sa kapakanan ng mga pasahero dahil malaking perhuwisyo ang naidudulot nito kapag naantala ang mga biyahe sa Ninoy Aquino International Airport.
Kahapon, araw ng Martes, umabot na sa 46 biyahe ang na-delay sa NAIA Terminal 3.
Samantala, umangal naman ang ilang airline company dahil sa matinding air traffic congestion sa paliparan.
Katwiran ng mga kumpanya, dalawa lamang ang perpendicular runway kaya hindi maaaring magsabay ang take-off at landing ng mga eroplano. Nilimitahin din anila ang bilang ng mga umaalis at lumalapag na eroplano sa 40 kada oras.
Tinataya namang aabot sa 53,000 mananakay ang dadagsa sa NAIA Terminal 3 ngayong araw, kumpara sa average na 47,000 sa pangkaraniwang araw.
Tags: delayed flights, MIAA, multa, NAIA