Patuloy na pinaiigting ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, ang kanilang mga isinasagawang hakbang upang matugunan ang problema sa illegal parking sa mga kalsada sa Metro Manila.
Isa ito sa mga itinuturong sanhi ng mabigat na trapiko sa ilang lugar sa kalakhang Maynila.
Kaya naman, nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa National Bureau of Investigation upang mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga sumusuway sa patakarang ito.
Sakop nito ang mga pabayang motorista na paulit-ulit na naaktuhang iligal na nagpaparada ng kanilang mga sasakyan.
Sa ilalim ng panukalang, ang mga driver na hindi makapagbabayad ng multang 500 pesos para sa illegal parking ay isasama sa alarm list ng NBI.
Habang hindi nababayaran ng driver, ang penalty, mananatili ang kanilang mga pangalan sa listahan.
Kapag nagkataon, mahihirapan ang mga ito na makakuha ng NBI clearance na isang mahalagang dokumento.
Sa ngayon ay patuloy na binabalangkas ng mmda ang implementing rules and regulation hinggil sa nasabing panukala, na target maipatutupad simula sa Marso.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: Pagpapataw ng mas mahigpit na parusa vs illegal parking, pagtutulungan ng MMDA at NBI