Pagpapasinaya sa Mactan-Cebu International Airport Terminal 2, pinangunahan ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | June 8, 2018 (Friday) | 2663

Kasama ang iba’t-ibang stakeholders ng Mactan-Cebu International Airport at lokal na opisyal ay pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasinaya ng MCIA Terminal 2 sa Lapu-Lapu City.

Layunin ng proyektong ito na mabigyan ng world-class travel experience ang publiko sa pamamagitan ng kakaibang disenyo nito na nagpapakita ng locale culture upang makaakit pa ng mas maraming turista at business travelers.

Inaasahang tataas sa 12.5 milyon ang passenger capacity ng MCIA sa pagbubukas nito.

Ang terminal 2 na may lawak na 65, 000 square meters ay inaasahang hindi lamang makatutugon sa lumalaking bilang ng mga pasahero kundi magbubukas din ng mas maraming international flights sa Cebu.

Ang Mactan-Cebu International Airport ay isa sa mga flagship project ng Build, Build, Build infrastructure program ng kasaluyang administrasyon.

Samantala, sa talumpati naman ni Pangulong Duterte, muli nitong binigyang pansin ang problema sa iligal na droga sa Cebu.

Babala ng punong ehekutibo sa mga opisyal sa lalawigan, huwag masangkot sa kalakalan ng iligal na droga at kurapsyon dahil ipatatanggal niya ito sa pwesto upang maprotektahan ang mamamayang Pilipino.

Mula sa terminal 2 ay agad na dumiretso si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hoops Dome Lapu-Lapu City para sa oathtaking ng mahigit tatlong libong punong barangays ng Central Visayas

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

Tags: , ,