Pagpapalit sa riles ng MRT-3, magsisimula na

by Radyo La Verdad | November 4, 2019 (Monday) | 31620

METRO MANILA, Philippines – Naihanda na Sumitomo Mitsubishi Heavy Industries ang mga gamit at makinaryang  kakailangan sa pagpapalit  ng mga bagong riles sa linya ng MRT-3 na sisimulan sa susunod na buwan.

Ayon sa pamunuan ng MRT, sampung piraso ng riles ang hihinangin at pagdudugtong-dugtungin hanggang sa mabuo ang 180-meter na haban ng riles sa magkabilang dulo ng istasyon.

Isasagawa ang pagpapalit ng riles mula alas-onse ng gabi hanggang alas-kwatro  ng madaling araw, dagdag pa dito ang pitong araw na shutdown sa long holiday sa Marso o Abril sa susunod na taon.

Ayon kay MRT-3 Director for Operations Engineer Michael CapatiI, ito’y upang hindi makaapekto sa biyahe ng mga tren ang gagawing Rail Replacement.

“Ngayon ang hinihingi namin sa mananakay at sa publiko ay ang buong supporta at pagintindi habang patuloy ang malawakang rehabilitation ng  MRT line upang maisakatuparan nating maibabalik yung kalidad ng MRT-3. Pansamantalang sakripisyo lamang po para sa pang matagalang kaginhawahan,” ani Director Michael Capati, DOTR-MRT 3.

Sa oras na matapos ang proyekto, pabibilisan pa ng andar ng MRT sa 60-kilometer per hour mula sa kasalukuyang 30 kph na takbo ng mga tren.

Inaasahang makatutulong rin ang rail replacement upang mapatakbo na sa linya ng MRT-3 ang kontrobersyal na Dalian trains na  binili ng pamahalaan mula sa China

Nauna nang naging isyu ang compatibility ng Dalian trains sa riles ng MRT-3, dahilan kung bakit hindi ito makabiyahe.

Noong nakaraang Huwebes, bumiyahe na sa linya ng MRT ang isang set ng Dalian train na ayon sa management ay naging maayos naman ang operasyon.

Inaasahang matatapos ang rail replacement sa July 2021, na bahagi lamang ng MRT-3 rehabilitation project ng pamahalaan.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,