METRO MANILA – Maaaring suspendihin ng Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng 6 na buwan, ang implementasyon ang Social Security System (SSS) contribution hike tuwing nasa Sate of National Emergency o State of Calamity ang bansa.
Ito ang probisyon sa ilalim ng Senate Bill 1970 ni Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises Chairperson Richard Gordon upang pansamantalang masuspinde ang dagdag kontribusyon ngayong taon habang nasa gitna ang bansa ng Covid-19 pandemic.
Ayon sa senador, maaari itong palawigin depende sa magiging desisyon ng pangulo.
Pabor ang SSS na ipaubaya na sa pangulo ang desisyon pero apela ng mga ito na kung maaari ay mas maiksi sa 6 na buwan.
Nais rin ng ahensya na hindi dapat mahinto ang implementasyon ng contribution hike ngayong taon.
Anila, kung mahihinto ang implementasyon, kakapusin na ang kanilang pondo at pangbayad sa mga pensioner sa susunod na tatlumpu hanggang apatnapung taon.
Matagal na rin anilang dapat na ipinatupad ang dagdag kontribusyon dahil sa mga pinalawig na benepisyo ng sss gaya ng P1,000 dagdag na monthly benefit allowance; expanded maternity benefit at unemployment insurance benefit.
Ngunit ayon sa ahensya, hindi rin naman nila pipiliting magbayad ang mga walang trabaho.
Pero giit ng mga senador, dagdag pasanin pa rin ito sa mga manggagawa at maliliit na negosyo na todo tipid na ngayon dahil sa pandemya.
Sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018, nakatakdang tumaas sa 13% ang contribution rate ngayong taon hanggang 15% sa taong 2025.
Sang-ayon din ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na ipaubaya na sa pangulo ang desisyon ngunit mas mainam na magawa ito sa lalong madaling panahon.
Noong nakaraang Linggo (Jan. 24), inaprubahan na ng komite sa kamara ang nasa 5 kaparehong panukalang batas kasama na ang pagbibigay-kapangyarihan sa pangulo na suspendihin ang contribution hike tuwing nasa national emergencies ang bansa. Inaasahang tatalakayin na rin sa plenaryo ng senado ang panukala.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: SSS Contributions