Pagpapaliban ng paglipat ng DOTR sa Clark Pampanga, iniapela ng ilang mga empleyado ng ahensya

by Radyo La Verdad | July 28, 2017 (Friday) | 2327


Ililipat na ngayong araw sa Clark Pampanga ang 14 na opisina ng Department of Transportation, na binubuo ng higit isandaang mga empleyado. Target makumpleto ang paglilipat bago matapos ang taon. Sa kabila nito patuloy na umaapela ang ilang mga empleyado ng ahensya na ipagpaliban ito.

Anila, dapat munang tiyakin ng DOTR na maayos ang lugar na kanilang lilipatan, at mapagaralan pa ang magiging epekto nito sa kanilang trabaho.

Inirereklamo nila, ang umano’y kawalan ng maayos na konsultasyon sa mga empleyado bago pa nabuo ang naturang plano. Kwestionable rin para sa mga ito, ang basehan at legalidad ng paglipat sa Pampanga.

Una nang sinabi ng DOTR na may mga nakahanda na silang sistema para paghahatid-sundo ng kanilang mga empleyado mula Metro Manila patungong Pampanga.

Gayundin ang papapatupad ng 4 na araw na pasok sa trabaho at flexi time schedule sa mga empleyado.

Ang paglipat ng DOTR sa Pampanga ay isa sa mga hakbang na naisip ng ahensya upang makatutulong na maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,