Pagpapaliban ng face-to-face classes sa tertiary level, maaari pa ring desisyunan ng mga institusyon – CHED

by Radyo La Verdad | January 13, 2022 (Thursday) | 8998

Sisimulan na sa January 31, 2022 ang phase two ng limited face-to-face classes para sa lahat ng degree courses sa higher education institutions.

Batay ito sa anunsyo ng CHED at aprubado umano ng Department of Health, subalit umani ito ng sari-saring batikos lalo na ngayon na tumataas muli ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa lalo na sa Metro Manila.

Marami ang nangangamba sa posibleng paglaganap ng hawaan sa mga estudyante, guro at iba pang school personnel kung itutuloy pa rin ang physical classes kahit pa nasa ilalim  ng alert level 3.

Pero ayon kay CHED Chairperman Prospero de Vera, pwede pa rin namang ipagpaliban ng mga unibersidad o kolehiyo ang pagsisimula nito, sakaling hindi pa rin bumubuti ang Covid-19 situation sa kanilang lugar.

Aniya, inaabisuhan nila ang mga university at college institution na alamin ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagkonsulta sa LGU, faculty at mga estudyante.

January 31 ang pinakamaagang pagsisimula ng physical classes ngunit pwede itong ilipat sa ibang petsa.

Batay sa guidelines ng CHED, hindi na kinakailangan pang magpasa ng aplikasyon  sa  ang mga higher education institution para makapagsimula ng face-to-face classes, sa halip, aakuin ng mga ito ang responsibilidad sa pagpapatupad nito depende sa kanilang kapasidad na makapag-retrofit ng kanilang mga pasilidad at pagsunod sa health and safety protocols.

Tanging mga fully vaccinated school personnel at mga estudyante ang papayagan.

Ang mga partially vaccinated at hindi pa bakunado ay magtutuloy naman ng klase sa pamamagitan ng flexible learning.

Kung magkaroon man ng hawaan o clustering ng Covid-19 cases, ibabatay ang preventive suspension sa assessment at desisyon ng crisis management committee ng institusyon at dapat komunsulta sa local task force against Covid-19.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , , ,