Pagpapalawig sa GCQ sa Metro Manila hanggang sa susunod na buwan, pag-aaralan ng pamahalaan

by Erika Endraca | June 22, 2020 (Monday) | 7761

METRO MANILA – Naka-depende sa bilis ng pagdoble ng COVID-19 cases at porsyento ng nagagamit nang kapasidad sa critical care ang desisyon ng pamahalaan kaugnay ng lebel ng community quarantine na ipatutupad sa Metro Manila, ang epicenter ng pandemiya sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa linggong paparating, sisiyasatin na ng Inter-Agency Task Force (IATF)  kontra COVID-19 ang mga datos kaugnay nito.

Ito ay upang malaman kung maaari na bang luwagan o kailangang higpitan ang ipinatutupad na quarantine resrictions sa Metro Manila.

“Sa darating na Linggo, magkakaroon na po ng preliminary review of data kasi may isang linggo na pong nakalipas by then at malalaman po natin kung mananatili po ang GCQ, kung magfu-further relax to MGCQ o kung babalik sa Modified ECQ.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, umapela naman ang Malacañang sa publikong paigtingin ang pag-iingat kasabay ng 2nd phase resumption ng public transport ngayong Lunes (June 22).

Balik-operasyon na ang public utility buses maging ang modern utility vehicles sa Metro Manila subalit limitado lamang sa 50% capacity.

Ito ay bagaman, mareresolba na rin aniya ang suliranin ng riding public sa kakulangan ng transportasyon dahil sa umiiral na community quarantine.

“Kinakailangan po talagang mag-social distancing, dahil wala na pong alternatibo, kinakailangan siguraduhin natin ang 50 percent capacity lang ang mga bus, kasi baka kailangan nga natin ng transportasyon para sa trabaho. Baka naman sa kawalan ng social distancing ang maging dahilan para magkasakit at mamatay.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,