Pagpapalawig ng martial law sa Mindanao, hindi na kailangan

by Radyo La Verdad | December 6, 2018 (Thursday) | 5869

Hindi kumbinsido ang Commission on Human Rights (CHR) na kailangan pang palawigin ang martial law sa Mindanao.

Ayon kay CHR Chairperson Chito Gascon, 2017 pa ay tinututulan na nila ang pagpapatupad ng batas militar sa rehiyon dahil kaya naman ng Presidente na tugunan ang problema sa terorismo sa bansa.

Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, kaya na ng security forces na tugunan ang problema ng lawless violence sa bansa at hindi na kailangan ang martial law.

Aniya, kung muling palalawigin ang batas militar, kailangan may matibay itong basehan mula sa rekomendasyon ng Sandatahang Lakas at ng Pambansang Pulisya.

Ayon kay Gascon, hindi naman dapat ikumpara ang martial law ngayon sa panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos dahil magkaiba naman ang intensyon nito.

Subalit patuloy silang magmamatyag kung may mga insidente ng paglabag sa karapatang-pantao.

Ayon naman kay dating Solicitor General Florin Hilbay, maaaring magamit ang martial law sa pagsusulong ng pagbabago ng Saligang Batas.

Ayon naman sa Malacañang, pinag-aaralan pa ng Pangulo kung kailangang palawigin uli ang martial law sa Mindanao.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,