Mas matibay na ugnayan sa pagitan ng Myanmar at Pilipinas ang resulta ng pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Si President U Htin Kyaw na kauna-unahang civilian president ng Myanmar ang mismong nanguna sa welcome ceremony kay Pangulong Duterte at sa kaniyang delegasyon sa presidential palace.
Nagkaroon ng bilateral meeting ang dalawang leaders at ayon sa Department of Foreign Affairs, natalakay dito ang regional cooperation ng ASEAN kung saan hiniling ng pangulo sa Myanmar na palakasin pa ang ugnayan ng dalawang bansa sa usapin ng trade at investments.
Kaugnay din ito ng tumataas na bilang ng mga Philippine companies sa bansang Myanmar.
Sinaksihan din ni Pangulong Duterte ang pagpirma sa Memorandum of Understanding on Food Security and Agricultural Cooperation sa pagitan ng Department of Agriculture ng Pilipinas at Myanmar’s Ministry of Agriculture, Livestock and Irrigation.
Sa huli, nakipagpulong din si Pangulong Duterte sa state counsellor na si Daw Aung San Suu Kyi at inimbitahan niya itong dumalaw sa Pilipinas.
Samantala, nag-turn over si Pangulong Duterte ng pledge na halagang 300 thousand us dollars kay Daw Aung San Suu Kyi bilang humanitarian assistance ng bansa para sa Rohingya minorities sa Rakhine state.
Nagpasalamat naman ang Myanmar government sa patuloy na pag-ayuda ng Pilipinas.
Pasado alas-dies naman kagabi, Thailand time nang dumating ang pangulo sa Bangkok para sa dalawang araw na official visit.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: bilateral meeting, investments, Myanmar, Pilipinas, trade