Pagpapalakas sa programa ng pamahalaan kontra HIV-AIDS, isinusulong sa Senado

by Radyo La Verdad | December 1, 2016 (Thursday) | 4277

sen-hontiveros
Bilang pakikiisa sa World AIDS Day, pinangunahan ni Sen. Risa Hontiveros ang isinasagawang libreng HIV testing sa Senado.

Nais ng Senadora na palawakin ang kaalaman ng publiko sa kahalagahan ng HIV at AIDS testing at para matanggal na rin ang takot o hiya sa pagsasailalim sa ganitong uri ng preventive practices.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, patuloy na dumarami ang mga kaso ng mga may HIV sa bansa, mula sa 6,015 noong 2010, sa 33,419 sa first quarter ng 2016.

Isa rin umano sa dalawang may HIV o AIDS ay hindi nakakaalam sa kanilang status at walang access sa HIV services ng pamahalaan.

Kaya naman naghain si Sen. Hontiveros ng panukalang batas na layong i-repeal ang kasalukuyang Philippine HIV-AIDS Prevention and Control Act of 1998.

Sa ilalim nito, ipinapakulang baguhin ang istruktura ng Philippine National AIDS Council na siyang namamahala sa mga programa ng pamahalaan kontra HIV at AIDS.

Nais rin ni Hontiveros na magkaroon ng National HIV Program upang masigurong aabot sa local level ang tulong ng pamahalaan.

Layon rin ng bill na pababain sa kinse mula sa disi-otso ang edad ng mga kabataan na maaaring sumailalim sa HIV testing kahit walang parental consent.

Hinihikayat rin ng Senadora ang publiko na sumailalim sa libreng hiv o aids testing sa mga social hygiene clinics sa iba’t ibang parte ng bansa.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,