Pagpapalakas sa Coastguard, dapat mas maging prayoridad kaugnay sa hinaharap na territorial dispute problem ng Pilipinas

by Radyo La Verdad | August 10, 2015 (Monday) | 1649

NAVY 2
Sa isang bansa na may mahabang coastline, kulang ang kasalukuyang siyam na barko ng Coastguard upang mabantayan ang ating teritoryo lalo’t nasa gitna tayo ng territorial dispute sa West Philippine Sea.

Kaya para kay DLSU Professor Richard Heydarian na Author ng Asia New Battlefield U.S, China and the Struggle for Western Pacific, mas dapat bigyan prayoridad ng pamahalaan ang pagpapalakas sa coastguard fleet ng bansa.

Aniya pangalawa na lang dito ang pagpaparami ng Navy ships.

Katwiran ni Heydarian, kung ang gray ships ng navy imbes ang mga white ships ng Coastguard ang gagamitin ng pilipinas sa pagresponde sa mga lugar na iligal na pinapasok ng mga sasakyang pandagat ng ibang bansa, lalo lang itong magpapalala ng tensyon.

May sampung barko ang madaragdag sa pcg subalit sa 2016 hanggang 2017 pa ito dadating.

Bukod sa pagpapalakas ng Coastguard, nanindigan din si Heydaran na dapat ayusin din ng Pilipinas ang mga imprastraktura sa mga inaangkin nating lugar sa West Philippine Sea.
Naniniwala naman si dating Senador Leticia Ramos-Shahani na magkaroon ng independent foreign policy ang Pilipinas.

Aniya nakikipag kaibigan tayo sa ibang bansa subalit dapat may kakayahan na idepensa ang sa atin at hindi nakaasa na lang sa iba.

Bukod sa BRP Gregorio del Pilar at BRP Ramon Alcaraz, na pinakahuling nadagdag sa mga barkong pandigma ng Philippine Navy, 2 frigate o warship pa ang madadagdag sa philippine fleet sa susunod na taon.(Victor Cosare / UNTV News)

Tags: ,