Nakipagpulong na si Department of Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Junior sa Russian counterpart nito na si Sergey Lavrov dito sa Moscow kahapon.
Noong linggo dumating ang kalihim sa russia para sa isasagawang bilateral meeting kasunod ng naging paguusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Russian President Vladimir Putin sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC Summit sa Lima, Peru.
Kabilang sa tinalakay ng dalawang foreign ministers ang pagpapalakas ng bilateral relations ng Pilipinas at Russia sa pamamagitan ng pagpapalawak sa ugnayan ng dalawang bansa pagdating sa political, security, economic at cultural aspects.
Pareho ding sinang-ayunan ng mga ito na gawing doble ang pagsisikap upang magkaroon ng mga kasunduan na bubuo sa legal framework para sa ugnayan ng dalawang bansa.
Napag-usapan din dito ang ilan pang regional at global issues at ang Philippine chairmanship sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN sa susunod na taon.
Sa naging pagpupulong ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay at ng Russian counterpart nito sa Moscow, napagkasunduan din ng dalawang panig ang paghahanda para sa magiging pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia sa susunod na taon.
(Ronald De Guzman / UNTV Correspondent)
Tags: Pagpapalakas sa bilateral relations ng Pilipinas at Russia, pulong nina DFA Sec. Yasay at Russian counterpart