Pagpapahinto sa pagbubukas ng mga balikbayan box, ikinatuwa ng mga OFW sa Middle East

by Radyo La Verdad | August 25, 2015 (Tuesday) | 2251

KSA
Umani ng kaliwa’t kanang batikos sa social media ang regulasyon ng Bureau of Customs o BOC na ramdom checking sa mga balikbayan box.

Maging ang mga OFW at cargo shipping lines sa Middle East ay mahigpit na tumutol sa ganitong sistema, dahil malaki ang magiging epekto hindi lamang sa kanilang trabaho kundi higit sa lahat ay sa mga umaasa sa balikbayan box na kanilang ipinadadala sa Pilipinas.

Kaya naman laking pasasalamat nila ng ianunsyo ng BOC na ititigil na ang pagbubukas ng balikbayan boxes.

Ito ang naging desisyon matapos magpulong sina Pangulong Benigno Aquino the third, Customs Chief Alberto Lina at Finance Sec. Cesar Purisima kahapon

Ayon sa inilabas na pahayag ng Finance Department,binigyang diin ng pangulo ang kahalagahan ng balikbayan boxes para sa mga OFW at pamilya nito na pinadadalhan sa Pilipinas.

Dahil dito inatasan ng Pangulo ang Finance Department at Bureau of Customs na wala nang random physical inspection sa mga balikabayan box, at idadaan na lamang ito sa mga x-ray at K-9 examination at kung may makitang kahinahinala sa bagahe ay dito na lamang magsasagawa ng physical examination.

Sa pagkakataon naman na kailangang magsagawa ng physical examination, kinakailangang humiling ang Bureau of Customs ng representante mula sa OWWA o mula sa isang organisasyon ng OFW.

Nilinaw naman ng DOF at Customs na ang kanilang regulasyon na ipinatupad sa pag-iinspeksyon ng mga balikbayan box ay dahil na rin sa mga nakapapasok na ilegal na kargamento.

Tulad na lamang ng mga gun accessories na natagpuan noon sa pitong balikbayan boxes, mga parte ng motorsiklo at mga sasakyan na ginagamit ang balikbayan boxes upang ilegal na makapasok sa bansa.

Samantala, wala namang binanggit sa statement kaugnay sa pagpataw ng buwis sa laman ng balikbayan box.

Sa kasalukuyan ayon sa ulat ng Customs, may 1500 containers ng balikbayan boxes ang pumapasok sa bansa kada buwan.( Eugene Bardoquillo / UNTV News Middle East)

Tags: , ,