Pagpapahaba sa campaign period na di idadaan sa kongreso, iligal ayon sa isang Election Lawyer

by Radyo La Verdad | August 5, 2015 (Wednesday) | 2934

ATTY G
Iligal ang plano ng Commission on Elections na simulan ng mas maaga at palawigin hanggang isang daan at dalawampung araw ang campaign period ng mga National at Local Candidate ng hindi dumadaan sa Kongreso.

Ayon sa Election Lawyer na si Attorney George Erwin Garcia, malinaw ang nakasaad sa Omnibus Election Code na 90 days ang campaign period para sa National Candidates habang 45 days naman sa Local Candidates.

Aniya, Kongreso ang nagtakda ng panahon kaya Kongreso rin ang magbabago nito.

Kung itutuloy ng Comelec ang plano sa pamamagitan lamang ng isang resolusyon mauuwi ito sa legal battle sa Korte Suprema.

Una nang sinabi ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim na sa ilalim ng Section 28 ng Republic Act 8436 maari nilang ilipat lipat ang mga pre-election activity.

Ngunit ayon kay Atty. Garcia, bagamat may diskresyon ang Comelec na maglipat-lipatsa mga pre-election activities.

Ito ay sa para lamang sa usapin ng mga ipinagbabawal sa election period gaya ng gun ban pero hindi nito saklaw ang pagbago sa campaign period.

Paglilinaw naman ng Comelec, panukala pa lamang ang pagpapahaba sa panahon ng kampanya ng mga kandidato at kung maging katanggap-tanggap sa publiko saka pa lamang pag-aaralan kung paano ito ipatutupad.

Layon ng panukala na mapigil ang mga epal candidates o ang maagang nagpapalabas ng campaign ads dahil mas maaga nang mamomonitor ng Comelec ang kanilang gastos sa pangangampanya.

Pero ayon kay Atty. Garcia tila huli na ito dahil matagal nang may naglalabasang ads ang ilang pulitikong nagbabalak tumakbo.

Ayon kay Atty. Garcia, mas makabubuti kung palalakasin na lamang ang information campaign upang huwag nang iboto ang mga pa-epal na kandidato.

Tutol din sa panukala si Senator Ralph Recto dahil makakaapekto aniya ito sa Economic Growth ng bansa.

Sa panig naman ni House Committee of Suffrage and Electoral Reforms Chairman Congressman Fredenil Castro, pabor ito na gawing 120 days ang Campaign Period ng National Candidates dahil sa dami ng lugar na dapat na puntahan habang tama lamang na 45 days ang para sa local candidates.( Victor Cosare/UNTV News)

Tags: , ,