Pagpapagana sa Bataan Nuclear Power Plant, posibleng tumagal pa ng limang taon – PNRI

by Radyo La Verdad | December 7, 2016 (Wednesday) | 3485

rey_bataan-power-plant
Bibilang pa ng taon bago mapagana ang Bataan Nuclear Power Plant Base sa pagtaya ng Philippine Nuclear Research Institute o PNRI.

Ang PNRI ang magsisilbing regulatory agency na siyang titiyak na ligtas ang magiging operasyon sakaling buhayin ang planta.

Ayon sa PNRI, marami pang dapat ikunsidera gaya ng istruktura at lokasyon ng planta na naitayo noon pang dekada 70.

Sa safety analysis report noon ay pasado sa lahat ng aspeto ang nuclear plant subalit iba na anila ang situwasyon ngayon.

Ang BNPP ay nasa paanan lamang sa southwest slope ng Mt. Native.

Ngunit ayon sa PHIVOLCS, nasa 27-libong taon na ang pinakamatandang charcoal deposit na nasuri sa lugar na nangangahulugang maliit ang tsansa na ito ay muling sumabog.

Malayo ring apawan ng tsunami ang kinatatayuan ng planta dahil nasa 18 metro ang taas nito sa dagat habang nasa 8 metro lamang ang tinatayang tsunami na maaaring dumating sa dalampasigan nito.

Wala rin silang nakitang fault sa ilalim ng planta at ang pinakamalapit ay ang “Iba fault” na nasa 60km ang layo.

Kung gumalaw man ito maging ang iba pang fault gaya ng Manila Trench, Philippine Fault at West Valley Fault ay kaya namang tagalan ng planta kung masusunod lamang ang disenyo ng istruktura.

Hindi naapektuhan ng lindol noong 1990 ang bnpp maging sa pagsabog ng Mt.Pinatubo.

Sa ngayon ay gumagana pa ang mga kasabayan at katulad na nuclear plant ng Bataan na nasa Korea, Brazil at Yugoslavia.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , ,