METRO MANILA – Iminungkahi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na pagaanin ang importation rules ng Piipinas bilang isa sa mga posibleng solusyon upang makontrol ang tumataas na bilihin sa bansa.
Sa isang online forum ng Philippine Consulate General New York, inihayag ni Lopez na ang pagbawas sa tariff at non-tariff barrier ay makatutulong upang labanan ang inflation, kung saan kasama rito ang pagpapababa hanggang sa tuluyang pag-alis ng mga import duty, gayundin ang pangangasiwa ng free flow of trade.
Bagama’t marami sa producers ang hindi sumang-ayon dito, paalala ni Lopez na sa isyu ng tumataas na bilihin, ang prayoridad ng gobyerno ay masiguro na mayroong sapat na suplay ng pagkain at huwag nang tumaas ang mga presyo ng bilihin alang-alang sa mga mamamayan.
Ayon pa kay Lopez, ang pagbilis ng inflation rate sa buong mundo ay bunga ng tumataas na presyo ng krudo kaalinsabay sa alitan ng bansang Ukraine at Russia na nakaaapekto rin sa global trade ng iba pang commodities tulad ng mga trigo, mais, fertilizer at mga katulad nito.
(Julie Gernale | La Verdad Correspondent)
Tags: DTI, Importation