Pagpapadala ng mga Pilipinong sundalo sa middle east, nakasalalay sa Kongreso at interes ng bansa – Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | January 8, 2020 (Wednesday) | 48524

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing hindi dahil may umiiral na alliance ang Pilipinas at Estados Unidos at obligado na tayong magpadala ng tropa ng militar upang tumulong sa Amerika laban sa Iran sakaling pumutok ang kaguluhan sa middle east.

Ayon sa Punong Ehekutibo, nakadepende ito sa interes ng bansa at desisyon ng Kongreso.


“Unless the national interest would demand it and it will be decided not by me, but me and Congress,” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag pa nito, ‘di rin aniya maaaring gamitin ang kasunduan ng Pilipinas at Amerika sa usaping pang-depensa kaugnay ng tensyon sa pagitan ng US at Iran.

Ayon pa sa Presidente, hindi niya pahihintulutan na gawing launching pad ng US forces ang bansa.
Pero ayon sa Pangulo maaari namang bumisita o dumaan ang mga gray ships ng Amerika sa Pilipinas para mag-refuel.


“We will continue to respect it in transit. But to use the Philippines as a launching pad for — to fly the missiles and the rockets, I do not think that. I have to stop them,” ayon pa kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Samantala, malaking halaga ang kakailanganin upang mailipat sa ligtas na lugar ang tinatayang kulang dalawang milyong Pilipino na naghahanapbuhay sa middle east na posibleng maipit sa kaguluhan. Sa bilang na ito, nasa isang libo at anim na raang Pinoy ang nasa iran, samantalang anim na libo naman ang nasa Iraq.

Sa Saudi Arabia naman, mayroong tinatayang isang milyong migranteng Pinoy.

Ayon sa Department of Budget and Management, may nakalaan nang pondo ang pamahalaan na 1.8 billion pesos para sa repatriation ng mga OFW sa middle east.

Ito ay bago pa man i-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kagustuhan mailayo sa panganib sa middle east ang lahat ng mga Pinoy na nasa rehiyon dahil sa napipintong kaguluhan bunsod ng US-Iran conflict.

“We have provided in the budget already even without that, we have already funds for the repatriation of Overseas Filipino Workers, in the DFA. 1.29 billion in the budget, we also have allocation of 100 million in the OWWA budget, and we have also some funds we can top under the OWWA funds,” ani ASEC. Rolando Toledo, DBM.

Kamakailan, hiniling ng Punong Ehekutibo sa Kongreso na magsagawa ng special session upang pag-usapan kung saan kukunin ang malaking halagang kakailanganin sa OFW mass evacuation.

Sakali namang ‘di sasapat ang nakalaang budget, iginiit ng DBM na may iba pang maaaring pagkuhaan ng pondo ang gobyerno para rito.

(Rosalie Coz)

Tags: , , ,