Pagpapadala ng mga healthcare worker sa ibang bansa, sinuspinde muna ng POEA

by Erika Endraca | June 7, 2021 (Monday) | 4228

METRO MANILA – Umabot na sa P5,000 healthcare workers ang naipadadala ng Pilipinas sa ibang bansa.

Ito ang bilang ng limit na inilagay ng Interagency Task Force para sa healthcare workers na maaaring magtrabaho abroad ngayong taong 2021.

Dahil dito, sinuspinde muna ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) governing board ang pagproseso at pagbibigay ng mga Overseas Employment Certificate (OEC) sa mga bagon hire na healthcare workers partikular na ang mga nurse, nursing aide at nursing assistant.

Nilinaw naman ng POEA na makalalabas parin ng bansa ang mga nabigyan na ng OEC.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang paglalagay ng limitasyon sa bilang ng palalabasing healthcare workers ay paniniguro ng gobyerno na may sapat na bilang ng mga heathcare worker sa bansa.

“Basta matiyak natin na hindi tayo mawalan ng mga nurses, health care workers dahil meron pa tayong COVID” ani DOLE Sec Silvestre Bello III.

Pero ayon sa kalihim, hindi kasama sa suspension ng deployment ang United Kingdom.

“Nagrequest na din noon ang United Kingdom kung maaari mag exempt sila. Nirecomend ko naman na ma-exempt sila pinayagan naman ng iatf inaprubahan naman ng ating pangulo.” ani Dole Sec. Silvestre Bello III.

Bukod sa U.K., nagre-request din na ma-exempt ang bansang Germany.

Pag-uusapan pa ng IATF kung tataasan ang deployment cap sa mga healthcare worker.

Samantala, nakikiramdam pa ang pamahalaan bago ituloy ang pagpapadala ng mga caregivers sa Israel.

Ayon kay Sec. Bello, nais nilang matiyak ang kaligtasan ng mga ipapadalang OFW matapos ang gulong nangyari sa lugar kamakailan.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,