Pagpapadala ng mga Domestic Worker sa Kuwait, muling ipagbabawal ng DOLE

by Erika Endraca | January 3, 2020 (Friday) | 9917

METRO MANILA – Muling magpapatupad ng deployment ban ng mga domestic worker sa Kuwait ang Department Of Labor and Employment (DOLE) alinsunod sa kautusang ibinaba ni Labor Sec. Silvestre Bello III.

Ito ay dahil isa na namang pinay domestic worker ang minaltrato at pinatay ng kaniyang amo sa naturang gulf state. Kinilala ang biktima na si Jeanelyn Villavende, 26 na taong gulang, na mula sa Nuralla, South Cotabato.

Batay sa natanggap na ulat ng DOLE, binugbog si Villavende ng kaniyang employer na babae hanggang sa mamatay. Sa ulat ng pahayagang Kuwait Times, inamin ng employer ang pananakit pero hindi umano niya intensyon na patayin ang biktima.

Ayon kay Sec. Bello, inaayos na nila ang mga dokumento upang maiuwi sa Pilipinas ang labi ni Villavende matapos ang autopsy at forensic investigation. Nakausap na rin ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac ang pamilya nito sa Nuralla, South Cotabato.

Ang OWWA ang inatasang magbigay ng burial at livelihood assistance at scholarship sa mga miyembro ng pamila na naulila ni Villavende

“Tutulungan sila ng OWWA at saka ng DFA sa Region 12 na i- facilitate iyong mga dokumento para maging kinatawan nila ang embahada para tanggapin ang labi ni Jeanelyn.” ani OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.

Batay sa pagsisiyasat ng OWWA, huling nakausap ng kaniyang pamilya si Jeanelyn noong October 27.

Muli itong tinawagan ng pamilya noong December 13 pero hindi na ito ipinakausap ng amo.

Matatandaang 2018 unang ipinatupad ng pamahalaan ang deployment ban ng mga OFW sa Kuwait bunsod ng kaso ni Joana Demafelis na pinatay din ng amo at itinago ang bangkay sa isang freezer.

Ayon kay Sec Bello, Setyembre pa nagsumbong na si Jeanelyn sa kanyang agency na binubugbog siya ng kaniyang mga amo at hndi binibigyan ng tamang sahod. Iniimbestigahan na rin ng DOLE ang naturang recruitment agency

“That is why I will also ask the agency na mag- explain kung bakit despite her complaints hindi sila gumawa ng paraan para ma- repatriate siya o malipat siya. Kapag hindi kami satisfied sa explanation nila they can be subject to either suspension or cancellation of the license.” ani DOLE  Sec.  Silvestre Bello III.

Panawagan ng kalihim sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa lalo na sa middle east, dumaan sa lehitimong agency at makipag- ugnayan sa POEA at OWWA upang maiwasan ang illegal recruitment at anomang insidente pagdating sa ibang bansa.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,