Pagpapabilis ng kaso laban sa umano’y illegal recruiter ni Mary Jane, muling ipinanawagan

by Radyo La Verdad | January 19, 2016 (Tuesday) | 4330

VELOSO
Nakabalik na sa bansa ang pamilya Veloso matapos ang pagdalaw kay Mary Jane sa kulungan sa Indonesia noong nakaraang linggo upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan.

Ayon sa ina nitong si Aling Celia, malaki ang ipinagbago ni Mary Jane simula noong makulong.

Ikinatuwa rin ng pamilya Veloso ang maayos na kalagayan sa loob ng piitan sa Yogyakarta.

Kasabay nito, nanawagan naman ang abogado ni Veloso sa kampo ng umano’y illegal recruiter niya na itigil na ang paggawa ng mga hakbang na nagpapatagal sa kaso.

Noong Nobyembre 2015 nakatakda ang unang arraignment sa mga umano’y illegal recruiter na si Maria Cristina Sergio at Juluis Lacanilao.

Ngunit ipinagpaliban ito ng korte matapos maghain ng mosyon ang mga ito sa nauna nang desisyon ng korte na nag-babasura sa motion for bills of particulars.

Hinihiling ng mga ito na linawin kung ano ang inaakusa laban sa kanila.

Nakatakda sanang bitayin si Mary Jane noong Hulyo 2015, ngunit ipinagpaliban ng Indonesia dahil sa kahilingan ng Pilipinas na makuha muna ang testimonya nito laban sa mga umano’y illegal recruiter niya.

Ayon kay Atty. Edre Olaila, abogado ni Mary Jane sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng isang technical working group kung paano magbibigay ng testimonya si Mary Jane.

Umaasa pa rin ang pamilya veloso na hindi na matutuloy ang pagbitay kay Mary Jane at tuluyan na itong makakalaya.

(Darlene Basingan/UNTV News)

Tags: , ,