Pagpapabakuna kontra dengue sa grade 4 students sa mga pampublikong paaralan sa Abril, optional ayon sa DEPED

by Radyo La Verdad | February 16, 2016 (Tuesday) | 2224

deped-facade
Sisimulan na sa Abril ng Department of Health o DOH ang libreng pagbabakuna kontra dengue sa mga grade 4 student, sa mga pampublikong eskwelahan sa National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon Region.

Tinatayang aabot sa mahigit isang milyong estudyante ang target na mabigyan ng dengue vaccine, o katumbas ng mahigit sa anim na libo at dalawang daan na mga eskwelahan.

Nilinaw naman ng Department of Education o DEPED na optional at hindi sapilitan ang pagpapabakuna.

Sa kasalukuyan ay inaasikaso na ng DEPED ang masterlist ng mga estudyanteng bibigyan ng bakuna.

Uumpisahan na rin ng Department of Health ang orientation sa mga health workers na siyang mangangasiwa ng pagbabakuna sa mga bata.

Paliwanag ng DOH, sisimulan ang vaccination program ngayong Abril, upang pagsapit ng pasukan sa Hunyo ay may immunization na ang mga magaaral laban sa dengue.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,